Do we really mature when we get older?
Makes me think of a story I witnessed some years ago.
Si Joan at Tania nagkaroon ng matinding di pagkakaintindihan. Iisa ang pinagtatrabahuan nila. Duon may bilang na mga kabayan silang kasama. Dahil dito nahati ang mga ito at sa pagpili ng kung sino ang papanigan, hindi na kinakausap yung mga pumanig sa iba. Isa ako sa mga kabayan na iyon. Pero para sa akin “childish” yung magkampihan lalo na’t alam kong wala namang ginawang masama si Joan o si Tania sa akin. Kinakausap ko sila lahat at dahil sa pagkakataon, ako ay kumakain kasabay si Tania. Normal lang ang pagtrato ko sa kanila. Tinuring ko pa silang parang mga nakakatandang kapatid. Para sa akin hindi ako dapat makialam at makigulo pa sa mga bagay na personal at walang kinalaman sa akin. Tinanggap ko sila kung sino sila. Yung mga pumanig kay Joan medyo mailap sa aming mga pumanig kay Tania. Hindi ko na lang yun pinansin dahil para lang mga bata. Maraming taon din na ganito ang kalagayan sa opisina. Baliwala lang sa akin dahil ok naman ako sa kanilang lahat.
Natatawa lang akong isipin na si Joan at Tania ay nasa mga kwarenta anyos na at ganito pa ang nangyayari. Yung mga nasa panig ni Joan nasa trenta anyos pataas na, may mga anak at sariling pamilya lahat.
Nung isang araw nabalitaan ko na may isa akong kaibigan na biglaan na lang daw siyang hindi pinansin nung dati naming katrabaho at ka-close na kaibigan. Nakapag-tataka dahil wala naman daw syang alam na mali nyang nagawa. Akala ko ay isa lang sa mga mood nya pero nung sinubukan niyang kausapin ay dinedma daw sya. Kapareha ko syang buntis so sinabi ko na lang na hayaan na lang niya. Lilipas din siguro yun. Hindi sya dapat maapektuhan. Malapit na sya manganak at dapat yun na muna ang pinagtutuunan nya ng pansin. Mahuhulaan mo ba na yun din ay medyo may edad na. haay. Tumatanda ba tayong pa-atras?
May isa pa akong namalas na pinatutunayan na minsan, ang edad ay tila isa lang talagang numero sa buhay. Nakakalungkot isipin dahil nuong ako’y bata pa mataas ang tingin ko sa mga nakakatanda dahil nga mas maalam sila at “mature”. Ngunit nang makita ko na kahit setenta na ay parang bata pa rin, naniwala na ako na hindi porke tumatanda ka, nagiging “mature” ka. Minsan pakiramdam ko pa, mas nagiging mahirap lang ang mga engkwentro ng buhay dahil mas marami tayong dalang pabigat na galing sa ating nakaraan - mga hinananakit, mga masakit na leksyon at mga hindi magandang karanasan.
Paano nga ba ang maging “mature”.

